Muling umapela si Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa mga magulang na bakunahan na ang kanilang mga anak kontra COVID-19, ito’y matapos ihayag kamakailan ng Department of Education (DepEd) na ilang mga paaralan sa bansa ang nagtatala ng mga kaso ng COVID-19 sa mga estudyante at guro.
Ayon kay Vergeire, malaking tulong ang pagbabakuna sa mga mag-aaral dahil ito umano ang susi para magtuloy-tuloy na ang face-to-face classes.
Paliwanag ni Vergeire na inaasahan na ng publiko na magkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa mga paaralan sa gitna ng pagpapatuloy ng face-to-face classes.
Dagdag pa ni Vergeire na mahalaga ang pagsusuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay at magandang bentilasyon dahil makakatulong din ito para protektahan ang mga estudyante laban sa COVID-19.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa DepEd hinggil sa bilang ng mga estudyante at guro na nahawa sa COVID-19 sa gitna ng pagpapatupad ng face-to-face classes at kanilang ibabase ang mga datos na kanilang ilablabas sa ibibigay ng DepEd na bilang ng mga nahawaan ng virus.