Nakahanda ang Department of Health (DOH) na matukoy at mapigilan ang pagkalat ng Monkeypox virus kung magkakaroon ng kaso nito sa bansa.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, ang Monkeypox ay isang notifiable disease kung saan lahat ng pasyenteng under investigation ay kinakailangang mag-ulat sa Epidemiology Bureau (EB) at Regional Epidemiology Surveillance Unit.
Aniya, ang lahat ng samples ng mga pinaghihinalaang kaso ay sasailalim sa laboratory confirmation sa pamamagitan ng RT-PCR o whole genome sequencing.
Tiniyak din ni De Guzman na ang mga Local Government Unit (LGU) at health facilities ay nakaantabay para sa agarang imbestigasyon, pag-backtrace at contact trace kung may mga suspect, probable o kumpirmadong kaso na ng Monkeypox sa bansa.
Ipatutupad din aniya ang agarang isolation at quarantine kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng infection prevention and control protocols.
Ang Monkeypox virus ay nakukuha sa pamamagitan ng close contact sa sugat, bodily fluids o respiratory droplets mula sa tao, hayop, o mga kontaminadong bagay.
Mayroong 10 percent case fatality rate ang Monkeypox.