Department of Migrant Workers, pinaglalatag ng Senado ng contingency plan para sa mga OFW na maaapektuhan sa tensyon ng China at Taiwan

Kinalampag ni Senator Bong Go ang Department of Migrant Workers (DMW) na maghanda ng contingency plan para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa East Asia.

Ito ay kung sakaling tumindi ang tensyon sa pagitan ng China at Taiwan matapos ang naging pagbisita kamakailan ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.

Ayon kay Go, nababahala siya para sa kaligtasan at kapakanan ng mga OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi sa Silangang Asya dahil sa posibleng paglubha ng sitwasyon sa Taiwan.


Maliban sa pinaghahanda ang DMW ng contingency plan, hinimok din ng senador ang ahensya na maghanda ng assistance at reintegration program para sa mga OFW sakaling kailanganin na pabalikin na ang mga ito sa Pilipinas.

Sa kabilang banda ay umaasa si Go na ang mga bansang sangkot sa tensyon ay mananatiling mahinahon, patuloy na gagamit ng diplomatic channels at hahanap ng mapayapang solusyon upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon sa rehiyon.

Facebook Comments