Department of Public Works and Highways, naglaan ng P450 billion para sa mga infrastructure projects ng pamahalaan

Manila, Philippines – Aabot sa 450 billion pesos ang ibinigay na budget sa Department of Public Works and Highways ngayong taon para sa infrastructure projects ng pamahalaan.

Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, pangunahing layunin ng kanilang mga proyekto na paluwagin ang matinding trapik lalo na sa Metro Manila.

Pagmamalaki pa ni Villar, sa Metro Manila pa lang ay tiyak nang masasagot ang matagal ng problema sa daloy ng trapiko.


Sa buong Luzon aniya, pagdudugtungin ang mga expressways sa tinatawag na Luzon Spine Expressway Network.

Nabatid na mula sa North Luzon Expressway na nagdudugtong ng Metro Manila sa North at Central Luzon ay magkakaroon na ng NLEX segment 8.2 na magkokonekta naman sa C5 at Commonwealth Avenue.

Pagdudugtungin naman ng 16.5 billion NLEX harbor link segment 10, na bubuksan bago matapos ang taon, ang Mc Arthur Highway sa Valenzuela at ang C3 sa Caloocan na papuntang port area.

Mula sa dalawang oras, magiging 20 minutes na lang ang biyahe mula sa NLEX hanggang SLEX.

At dahil sa dami ng proyekto ng DPWH, magbubukas din ito ng nasa isang milyong trabaho.

Tiniyak pa ni Villar na magiging sulit ang nakalaang budget dahil kapag natapos ang mga ito, kakayanin na ng Pilipinas na makipagsabayan sa mga bansa sa Asya sa larangan ng imprastruktura.

DZXL558

Facebook Comments