Department of Transportation, nagbukas ng dalawang karagdagang ruta sa Metro Manila kasunod ng perwisyong naranasan ng mga nagbabalik trabaho kahapon

Kasunod ng aberyang nadatnan ng mga commuters sa unang araw ng General Community Quarantine (GCQ) kahapon, binuksan ngayon ng Department of Transportation (DOTr)ang dalawang karagdagang ruta sa Metro Manila.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, ang dalawang ruta ay ang Angat, Bulacan patungong Quezon Avenue sa Quezon City; at Dasmariñas hanggang Paranaque Integrated Terminal Exchange.

Ang hakbang ng DOTr ay kasunod ng pagpupulong na isinagawa kagabi sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa unang araw ng GCQ sa Metro Manila.


Kasabay nito, nakatakdang kausapin ni Transportation Assistant Secretary for Planning and Project Development Giovanni Lopez ang mga bus operators kung saan 510 city buses ang mag-ooperate sa Angat-Quezon Ave route, habang 151 units naman para sa Damariñas-PITX route.

Inihahanda na rin ng ilang bus operators ang kanilang units para makapag-comply sa health standards para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 habang bumabyahe na.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, inihayag ni Philippine National Police Spokesperson Brig. General Bernard Banac na tumutulong na rin ang mga pulis sa maayaos na daloy ng trapiko lalo na sa mga checkpoint area.

Ayon kay Banac, tanging sa mga border area ng Metro Manila na lamang sila nagpapatupad ng checkpoint upang hindi makadagdag sa pagsisikip ng traffic.

Batay sa pagtataya ng PNP, naging maayos ang unang araw ng GCQ sa Metro Manila, maliban na lang sa naitalang traffic build-up at stranded commuters.

Facebook Comments