Pinalagan ni House Deputy Minority Leader at ACT Party-list Representative France Castro ang bagong labas na Department Order No. 49 ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim kasi nito ay pinaiiwas ang mga guro at school personnel na magkaroon ng interaksyon sa mga estudyante sa labas ng paaralan kabilang ang pag-follow sa social media.
Sa isang pahayag, sinabi ni Castro na bakit kailangan pang gumawa ng DepEd ng kautusan na lumalabag at nagbabanta sa mga guro at school personnel kung saan pinipigilan ang mga ito na gamitin ang malayang pamamahayag at ilabas ang kanilang sentimyento.
Dapat aniyang tutukan ng DepEd ang mas malaking problema sa edukasyon tulad ng kakulangan sa mga paaralan, kakulangan ng sapat na suporta sa mga guro at ang lumalalang education crisis sa bansa kaysa maglabas ng kautusan na bubusalan ang mga guro.
Dagdag pa ni Castro, kung talagang willing si Education Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio na mag-reach out sa mga guro at dinggin ang kanilang mga pinagdadaanan ay makikita niya ang dedikasyon ng mga ito upang mapagbuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.