DepEd, aminadong hindi perpekto ang learning modules

Aminado ang Department of Education (DepEd) na hindi perpekto at nagkakaroon ng kamalian ang learning materials na ginagamit ng mga estudyante sa iba’t ibang learning modalities sa ilalim ng distance o blended learning.

Kasabay ng pagbubukas ng klase nitong October 5, nakatanggap ang DepEd ng sumbong hinggil sa ilang ‘errors’ sa learning materials, kabilang ang Self-Learning Modules (SLMs) at educational episodes na ipinapalabas sa DepEd TV.

Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, hindi talaga maiiwasang magkakaroon ng kaunting pagkakamali lalo na at libu-libong videos ang ginagawa sa production.


Batid din ni Pascua na posibleng mayroon ding ilang errors sa ilang episodes ng DepEd TV lalo na at kakaunting panahon lamang ang ibinigay para i-produce ito at sinabayan pa ng limitadong production team.

Sa loob ng anim na buwan, nakapaggawa ang DepEd ng higit 200 episodes kada linggo, nakapagsanay ng teacher-broadcasters, at iba pa.

Paliwanag naman ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na hindi lahat ng SLMs na ipinamahagi sa mga estudyante ay dumaan sa quality assurance kaya posibleng magkaroon ng ilang errors dito.

Bukod sa SLMs, sinabi ni San Antonio na ang mga modules na nahanay sa Most Essential Learning Competencies (MELCs) ay maaaring gamitin ng mga estudyante.

Gayunpaman, bukas ang kagawaran sa anumang corrections na makikita ng publiko at handa nilang itama ang mga ito.

Facebook Comments