Aminado ang Department of Education (DepEd) na mayroong grammatical at typographical errors ang ilang episodes ng test broadcast ng DepEd TV.
Nabatid na ginamit ng mga netizen ang Twitter at Facebook at pinuna ang questionnaire para sa Grade 8 students na puno ng typographical at grammatical errors.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Del Pascua, nakatanggap sila ng mga negatibong komento mula sa mga magulang, netizens at sa publiko hinggil sa ilang episodes ng DepEd TV na nagsimula ng kanilang test broadcast noong August 11.
Pagtitiyak ni Pascua na reresolbahin nila ang mga isyung ito habang naghahanda sa pagbubukas ng klase sa August 24.
Ang test broadcast ng DepEd TV sa IBC-13 para sa analog TV at Solar sa digital ay isinagawa para masilip at masubukan ang kasalukuyang kapasidad ng ahensya na mag-broadcast ng educational episodes sa ilalim ng blended o distance learning approach.
Giit ni Pascua, unang beses pa lamang nila ginagawa ito kaya nagkakaroon ng test run.
Ang test run aniya ay nakatuon sa technical aspect, mula sa broadcasting, recording, file conversion, ingestion, mapping, at ang aktwal na broadcasting.
Oportunidad din ito para sa DepEd Quality Assurance Teams para alamin kung ang bawat episodes ay nakalinya sa Most Essential Learning Competencies (MELCs).
Ang iba pang konsiderasyon ay ang kalidad at ang nilalaman ng bawat episode at kung akma ito para sa mga manonood o nakikinig.
Sa public schools, ang mga estudyante ay gagamit ng modular (printed o offline digital), online, TV at radio-based instruction.
Ang mga estudyanteng walang access sa online at gadgets, gagamitin ng DepEd ang TV at Radio bilang paraan ng paghahatid ng kaalaman.
Mula August 11 hanggang 21, ang DepEd TV ay mag-eere ng sample episodes para sa mga estudyante sa iba’t ibang grade levels.
Simula sa August 24, ang mga lesson mula Kinder hanggang Grade 12 ay magiging available sa DepEd TV, Deped Radio at maaari ding i-download sa online portal ng ahensya na “DepEd Commons”.