DepEd, binago ang kanilang School Safety Assessment Tool na tumutukoy sa kahandaan ng mga paaralan para mag face to face classes

Binago ng Department of Education (DepEd) ang School Safety Assessment Tool (SSAT) nito na ginagamit para matukoy ang kahandaan ng paaralan para sa limited face-to-face classes.

Ayon sa DepEd, ang SSAT ay na-update batay sa resulta ng monitoring at evaluation ng pilot implementation at pagsasaalang-alang sa mga kasalukuyang kondisyon ng mga paaralan na may kaugnayan sa ligtas na muling pagbubukas ng klase.

Nakatuon ang binagong SSAT sa apat na pangunahing salik na kinabibilangan ng Managing School Operations; Focusing on Teaching and Learning; Well-being and Protection, at School-Community Coordination.


Gagamitin ang mga ito upang masuri ang kahandaan ng mga paaralan na lumahok sa patuloy na pagpapalawig ng face-to-face classes.

Ang mga kalahok na paaralan ay dapat ding bumuo ng mga estratehiya para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at panatilihin ang probisyon ng basic mental health services at psychosocial support.

Bukod dito, dapat din silang bumuo ng implementation plan para sa koordinasyon sa lokal na pamahalaan para sa tamang pagsunod sa mga alituntuning pangkaligtasan at kalusugan gayundin ang pagpapatupad ng school-based immunization at iba pa.

Facebook Comments