Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang publiko na suriin muna ang mga nababasang balita sa online kung saan sangkot ang kanilang mga guro, mag-aaral at ibang isyu kaugnay sa naturang ahensya bago ito ipakalat sa iba’t ibang social media platform.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, may mga malisyosong article na ipinapakalat ng ilang grupo upang sirain ang pinatutupad na distance learning.
Aniya, kung sakaling makabasa ang publiko ng mga malisyosong balita tungkol sa DepEd, dapat aniya ikumpirma ito sa pamamagitan ng website ng ahensya at mga social media nito bago ito ipakalat o i-share.
Pero, tiniyak naman niya ang publiko na patuloy pa ring nagbabantay ang ahensya tungkol sa sitwasyon ng mga mag-aaral at mga guro habang umiiral ang distance learning.
Iginiit niya na lahat ng mga balitang kaugnay sa mga guro at mag-aaral na apektado at nasawi umano na dulot ng COVID-19 ay walang kaugnayan sa ipinatutupad na modular learning modality ng ahensya.