DepEd, dapat gumawa ng paraan para maiwasan na tumigil sa pag-aaral ang mas maraming batang babae dahil sa pandemya

Pinaglalatag ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senator Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) ng isang mabisang paraan upang maiwasang tumigil sa pag-aaral ang mga babaeng estudyante lalo na ngayong nasa huling yugto na ang enrollment period.

Ugat ng mensahe ni Gatchalian sa DEPED ang mga naging karanasan tuwing may krisis kung saan malaki ang ibinababa ng enrollment rate ng mga estudyanteng babae.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang nagdaang Asian financial Crisis na tumama sa bansa noong 1998-1999 gayundin ang Ebola outbreak sa Sierra Leone sa West Africa, kung saan maraming mga babae ang hindi nakapag-enroll.


Binanggit din ni Gatchalian ang pinaka huling ulat ng International Labor Organization na ang COVID-19 pandemic ay mayroong mas malaking pinsala sa mga kabataang kababaihan.

Ayon kay Gatchalian, bukod sa nakaranas ng maagang pagbubuntis ang ilan at sexual abuse, sumabak naman sa child labor ang iba o kaya ay nagmistulang tagapangalaga ng kanilang pamilya.

Mungkahi ni Gatchalian sa DepEd, ipatupad ang learning continuity plan sa paraang angkop sa sitwasyon ng mga batang kababaihan, lalo na iyong mga umaako ng mas maraming responsibilidad sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments