DepEd, dapat kumuha ng mas maraming guro at maglaan ng dagdag pondo para sa modules

Iginiit ni Senator Francis Pangilinan sa Department of Education (DepEd) na kumuha ng mas maraming guro para mapunan ang mga position na pinondohan na ngayong 2020 budget gayundin sa panukalang 2021 national budget.

Tinukoy ni Pangilinan ang sinabi ng DepEd na mayroong 988,567 available na posisyon kung saan 932,760 pa lamang ang napupunan at may natitira pang 55,807 bakante.

Binanggit ni Pangilinan na bukod pa ito sa request ng DepEd na dagdag 10,000 posts sa ilalim ng proposed 2021 budget.


Ayon kay Pangilinan, ang pinakamabuting paraan para parangalan ang mga guro at non-teaching personnel ay magarantyahan na may trabaho sila at ang kanilang kapakanan ay pinagtutuunan ng pansin lalo na ngayong may pandemya.

Isinulong din ni Pangilinan na madagdagan ang budget para sa learning modules dahil lumitaw sa learner enrollment survey ng DepEd na mas marami ang may gusto at mas nangangailangan sa learning modules.

Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang DepEd na ikonsiderang kunin para magturo sa public schools ang mga guro mula sa mga pribadong paaralan na nagsara o nagsuspinde ng operasyon dahil sa pandemya.

Facebook Comments