DepEd, dinepensahan ang P150 million confidential fund sa ilalim ng proposed 2023 budget nito

Dinepensahan ng Department of Education (DepEd) ang hinihingi nitong P150 million confidential fund sa ilalim ng proposed 2023 budget nito.

Ayon sa DepEd, ang nasabing pondo ay pinapayagan sa lahat ng civilian offices at may legal na batayan sa ilalim ng 2015 joint circular na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM).

Anila, ang mga banta sa learning environment, kaligtasan at seguridad ng mga tauhan ng DepEd ay kaakibat ng suporta sa pambansang seguridad ng mga civilian offices.


Paliwanag pa ng DepEd, ang sekswal na pang-aabuso, pagkakasangkot sa ilegal na droga, at recruitment sa insurgency, terorismo, child labor at iba pa ay ilan lamang sa mga mabibigat na isyu.

Ang mga ganitong usapin anila ay nangangailangan ng surveillance at intelligence gathering para matiyak ang target-specific at magreresulta ng mas malawak na proteksyon ng kanilang mga tauhan at mag-aaral.

Matatandaan sa budget hearing sa Kamara noong nakaraang linggo, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ang pondo ay gagamitin para matugunan ang mga ilegal na aktibidad na nagta-target sa mga estudyante.

Facebook Comments