Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr, Schools Division Superintendent ng DepEd Cauayan City, nakahanda na at nasa kanya-kanyang billeting quarters na ang mga delegasyon at atleta mula sa iba’t-ibang probinsya sa Rehiyon dos.
Tinatayang nasa mahigit kumulang 2,000 na atleta aniya mula sa iba’t-ibang dibisyon ang magtutunggali sa iba’t-ibang larangan ng sports.
Inaasahan naman sa pagbubukas ng naturang aktibidad si DepEd Secretary Leonor Briones o di kaya’y ang kanyang representante.
Mamayang alas 3:00 ng hapon, magkakaroon ng Solidarity Conference sa Benjamin G. Dy Memorial Sports Complex na pangungunahan ni Dr. Joselito Narag, Chief Education Supervisor at susundan naman ng pag-welcome sa lahat ng mga delegasyon mamayang alas 5:00 ng hapon.
Kabilang sa mga isasagawang laro ay ang arnis, archery, athletics, badminton, baseball, basketball, billiards, dance sports, lawn tennis, pencak silat, sepak, swimming, taekwondo, table tennis at volleyball.