DepEd: Health standards para sa pagbubukas ng klase sa August 24, target mailabas bukas; kalidad ng edukasyon, hindi masasakripisyo

Target ng Department of Education (DepEd) na mailabas na bukas ang binabalangkas nitong health standards para sa darating na pasukan.

Sa harap ito ng isinusulong na online learning at distance learning platform ng kagawaran.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan na nirerepaso na ng ahensya ang mga panuntunan na nakabatay rin sa mga kautusang inilabas ng Department of Health (DOH) at Civil Service Commission (CSC).


Magsasagawa rin aniya ang DepEd ng sarili nitong testing protocol para sa mga guro na nakatakda nilang ipresinta sa DOH.

“’Yan ay nakabatay sa dalawang mahalagang issuances. Ang isa ay by DOH, pangalawa ay itong kai-issue lamang na amended omnibus guidelines nitong mga ECQ, GCQ at modified GCQ. Meron ding na-issue ang Civil Service Commission with respect to alternative work arrangement at ‘yon ang aming tinitingnan na magiging compliance on all those issuances. Pero dahil magsisimula na ang enrollment sa June 1, kailangang mailabas na namin ‘yan. Sana mailabas namin bukas,” ani Malaluan.

Kasabay nito, nilinaw ng DepEd na tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.

Tiniyak din ni Malaluan na hindi masasakripisyo ang kalidad ng edukasyon ng mga bata sa kabila ng mga makabagong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuturo.

“Rolling implementation itong aming LCP (Learning Continuity Plan) at pinaghahandaan namin ‘yong mga ganyan pero hindi maiiwasan talaga na magkakaroon tayo ng fade off. Some will suffer in quality but there are also aspect of it na positive or net gain tayo with respect to quality itself because of the new technology for example.”

Facebook Comments