Nagpaalala si Senator Risa Hontiveros sa Department of Education (DepEd) na hindi dapat maging “enabler” ang ahensya ng pagpapalit ng imahe ng martial law.
Kasunod na rin ito ng lumabas na module na ibinigay sa mga mag-aaral kung saan ang Batas Militar ay isa umanong yugto ng bagong lipunan.
Giit ni Hontiveros, hindi dapat magpagamit ang DepEd sa mga ganitong uri ng kasinungalingan.
Aniya, ang mga kasinungalingang ito ay hindi maituturing na edukasyon kundi propaganda at ang kasinungalingan ay pilit na binabago ang ating lipunan.
Binigyang diin ng senadora na tungkulin ng DepEd at maging ng Commission on Higher Education (CHED) na ituro ang katotohanan anuman ang paksa.
Punto pa ni Hontiveros, sa ilalim ng Presidential Decree 1081 ay isinailalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang buong bansa sa Martial Law at hindi sa sinasabi ng module na “new society”.