Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na hindi sila manghihimasok sa anumang imbestigasyon kaugnay sa umano’y overpriced na mga laptop na binili ng kagawaran noong 2021.
Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, ipauubaya nila sa Ombudsman ang pag-iimbestiga upang malaman ang katotohanan.
Aniya, hindi rin dapat idiin ang DepEd sa naturang isyu dahil ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ang nangasiwa sa pagbili ng mga laptop.
Samantala, bumwelta rin si Poa sa banat ni ACT Party List Representative France Castro kaugnay sa alegasyon na underpaid ang mga guro.
Giit ni Poa na naging prayoridad ng nakaraang administrasyon ang pagpapa-angat sa sweldo ng mga guro sa pamamagitan ng Salary Standardization Law.
Lagi aniyang proactive ang DepEd sa pagsusulong ng kapakanan ng mga guro, na taliwas sa pahagyag ng kongresista.