Inihayag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Diosdado San Antonio na patuloy pa rin ang pagpupulong at pagpaplano ng kagawaran kaugnay sa muling pagpapatupad ng face-to-face learning sa bansa.
Aniya kahit may bakuna na laban sa COVID-19, hindi pa rin sakop ang mga bata sa mabibigyan ng bakuna.
Sinabi rin nito na dahil kabilang si DepEd Secretary Leonor Briones sa Inter-Agency Task Force (IATF), susunod lang ang DepEd sa kung ano ang magiging rekomendasyon ng IATF at ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling payagan na nila ang face-to-face learning sa bansa.
Pero iginiit niya na ito ay pilot pa lamang at ipapatupad lang ito ng mga local government unit (LGU) na may gusto nito at may mababang kaso ng COVID-19.
Hindi rin aniya aalisin ang distance learning dahil bibigyan pa rin ang mga magulang ng pagkakataong makapili ng klase ng pagtuturong gusto nila para sa kanilang mga anak habang meron pang pandemya.