Ikinatuwa ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na dumami ang bilang ng late enrollees sa kabila ng banta ng COVID-19.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, nagpapakita ito na may tiwala pa rin ang mga magulang at guardian sa kanilang Kagawaran kahit may kinahaharap ang bansa na pandemya.
Dahil sa marami pa ring humabol para magpa-enroll para sa School Year 2020-2021, tumaas ang kabuuang bilang ng enrollees sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa, kabilang dito ang State Universities Colleges o SUCs at Local Universities Colleges o LUCs.
Batay sa datos ng Kagawaran, nasa mahigit 24.28 milyong mag-aaral na ang nagpa-enroll sa buong bansa, o katumbas ng 83.80% mula sa kabuuang bilang na enrollees noong nakaraang taon.
Mula sa nasabing bilang, mahigit 21.62 milyon dito ay mga mag-aaral na nagpa-enroll sa pampublikong paaralan.
Habang ang mahigit 1.62 milyon ay mga mag-aaral na papasok sa pribadong paaralan ngayong taon.
Dahil dito, hinikayat ng kalihim ang mga magulang at guardian na hindi pa naipapa-enroll ang kanilang mga anak, na iparehistro na ang mga ito.