Hinihimok ng Department of Education (DepEd) ang publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang public assistance command center kapag may nakitang problema sa mga learning materials.
Nabatid na nakakatanggap ng mga ulat ang DepEd hinggil sa mga maling impormasyon na naglalaman ng mga larawang ginawa lamang upang maghatid ng maling konotasyon sa pagsisimula ng school year 2020-2021.
Dahil dito, magsasagawa ng imbestigasyon at mga legal na hakbang ang DepEd upang masigurong tanging mga tamang impormasyon lamang ang makakarating sa mga mag-aaral.
Para naman sa gabay at iba pang katanungan maaaring bisitahin ang deped.gov.ph o ang mga social media accounts ng DepEd o kaya ay tumawag sa kanilang mga hotlines numbers na 8636-1663 at 8633-1942.
Samantala, naabot na ng DepEd ang “100-percent enrollment” sa mga public schools kung saan mas mataas ng bahagya ang bilang ng mga estudyante kumpara noong nakaraang taon.
Base sa datos ng DepEd nasa 22,587,496 ang nagpa-rehistro sa public schools na mas mataas kumpara noong nakaraang taon na nasa 22,572,923 na mga estudyante.
Halos 400,000 dito ay mga transferees mula sa private schools at inaasahan ng DepEd na tataas pa ang bilang ng mga estudyante lalo na’t patuloy silang tatanggap ng mga mag-e-enroll hanggang buwan ng Nobyembre.