DepEd, hinimok na suspendihin ang klase sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo

Hinikayat ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang Department of Education (DepEd) na pansamantalang suspendihin ang mga klase sa mga lugar na matinding hinagupit ng Bagyong Rolly at Ulysses.

Giit ni Castelo, hindi na lamang internet access ang hamon ngayon sa distance learning dahil matapos ang mga nagdaang kalamidad ay wala pa ring suplay ng kuryente, tubig at access sa ibang pangunahing pangangailangan ang mga estudyante.

Bukod dito, marami pa sa mga pamilya ang nasa evacuation centers, nasira ang mga tahanan o kaya naman ay inaayos pa ang mga ari-ariang winasak ng mga bagyo.


Aniya, ang maitutulong ng ahensya ay bigyan ng pahinga at ipagpaliban muna ang mga academic works ng mga mag-aaral, mga guro at kanilang mga pamilya lalo na sa mga devastated at typhoon-affected areas.

Iminungkahi pa ni Castelo sa DepEd na bigyan ng discretion o sariling pagpapasya ang mga regional, provincial, city, at municipal officials na tukuyin kung aling mga lugar sa Bicol, Cagayan Valley at Metro Manila ang kailangan munang i-postpone ang online classes at kung gaano katagal.

Facebook Comments