DepEd, iginiit ang kahalagahan ng enrollment sa pagbubukas ng klase

Binigyang diin ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng nagpapatuloy na enrollment bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa School Year (SY) 2020-2021 sa August 24.

Batay sa National Enrollment Data ng DepEd, aabot na sa 11,302,382 na estudyante sa buong bansa ang nag-enroll sa pamamagitan ng remote o virtual enrollment system para sa public at private school sa basic education level.

Sakop ng enrollment data ang public at private schools gayundin ang State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).


Ang CALABARZON ang may pinakamataas na bilang ng enrollees na may higit 1.9 million, kasunod ang National Capital Region (NCR) na nasa 1.5 million at Central Luzon na nasa 1.103 million.

Ayon kay Education Undersecretary, Atty. Nepomuceno Malaluan, layunin nitong malaman kung gaano karaming estudyante ang mag-eenroll sa harap ng COVID-19 pandemic at kailangan nila ang enrollment survey data.

Sa ilalim ng DepEd enrollment guidelines, walang papayagang “face-to-face registration” sa unang dalawang linggo ng Hunyo.

Ang mga estudyanteng hindi makakapag-enroll sa pamamagitan ng remote method ay papayagan ang “physical enroll” sa huling dalawang linggo ng Hunyo.

Facebook Comments