Batay sa inilabas na abiso ng Department of Education (DepEd), inaatasan ang lahat ng pampublikong paaralan na magpatupad ng asynchronous classes o distance learning sa darating na Lunes hanggang Martes (April 29-30).
Ito ay alinsunod sa inilabas na heat index forecast ng PAGASA at ang anunsyo sa isasagawang pangmalawakang transport strike.
Kaakibat nito ang mga teaching and non-teaching personnel rin ng lahat ng pampublikong paaralan ay hindi kinakailangang mag-report sa kani-kanilang stations.
Dagdag pa ng DepEd, ang Regional at Schools Division Office ay maaaring magpatuloy sa mga naka-iskedyul na aktibidad tulad ng Regional Athletic Association Meets at iba pang dibisyon o mga programa sa antas ng paaralan sa mga tinukoy na petsa kung ang mga hakbang sa kaligtasan para sa lahat ng kalahok ay matitiyak.
Nilinaw naman ng ahensiya na hindi saklaw ng abisong ito ang mga pribadong paaralan ngunit sila ay maaaring magpatupad batay sa kanilang pagpapasya.