Agad na ipinabawi ng Department of Education (DepEd) ang isang self-learning module na nagpapakita ng maling paglalarawan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa DepEd, inabisuhan na nila at binigyan ng babala ang publiko sa isang SLM na kumakalat.
Anila, nilabag ng SLM ang social content standards dahil sa pagbibigay ng maling paglalarawan sa papel ng military sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Ang naturang module ay ‘locally developed’ at hindi dumaan sa quality assurance process ng DepEd Cordillera Administrative Region.
Iginiit ng DepEd na walang module ang dapat ipinamamahagi sa mga estudyante maliban na lamang kung ito ay quality assured.
Patuloy itong iniimbestigahan ng kagawaran at gagamitin ang lahat ng legal na hakbang at patawan ng kaukulang aksyon ang mga nasalikod ng pagpapakalat at gumawa ng nasabing module.
Nabatid na inilunsad ng ahensya nitong October 12 ang DepEd Error Watch kung saan bina-validate ang mga errors sa mga modules at agad itong binibigyan ng proper correction.