Magsasagawa ang Department of Education (DepEd) ng dry-run ng implementasyon ng distance learning sa Agosto 10, 2020 bilang paghahanda sa bagong istilo ng pagtuturo bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Education Undersecretary Jesus Mateo, layon ng dry-run na ipakita ang modality o magiging sistema ng distance learning sa mga urban, rural, at sa mga isla sa bansa.
Ipakikita rin aniya rito ang mga paaralan na mayroong multi-grade setting para sa Indigenous People at Special Education School (SPED).
Sinabi pa ni Mateo na ipinag-utos na ng kagawaran sa mga regional at school division offices ang pag-implementa ng distance learning modality na aakma sa kanilang mga estudyante.
Sa pamamagitan din aniya ng dry-run ay makikita kung mayroon pang kailangang paghusayan ang kagawaran sa distance learning.
Maaaring mapanood ang dry-run ng DepEd sa kanilang social media page, at ipapalabas din sa PTV-4 at IBC-13.
Sa ilalim ng DepEd distance learning plan, ang mga printed at digital modules ay idedeliver sa mga estudyante at maaari ding mapanood at mapakinggan sa telebisyon at radyo.