Ibinida ng Department of Education (DepEd) ang pagkilala sa kagawaran bilang isa sa top requested at top performing agencies sa frontline service sa pamamagitan ng electronic Freedom of Information (eFOI) Portal sa ginanap na 2021 FOI Awards.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, kinikilala nila ang karapatan na malaman ang mga impormasyon dahil ito ay naaayon sa Konstitusyon.
Aniya, ang palitan ng mga impormasyon ay hindi hadlang at madaling makararating sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagpatutupad ng Freedom of Information (FOI).
Paliwanag ng kalihim, ang naturang inisyatibo ay polisiya at programa ng DepEd kung saan ang mga stakeholders naman ay tumutulong sa kanila upang ipaunawa ang data at impormasyon.
Ang naturang parangal ay ibinibigay sa mga ahensiya ng gobyerno at organisasyon na mayroong mahalagang kontribusyon sa pag-unlad at development ng FOI program.
Matatandaan na ang DepEd ay nagpalabas ng Order No. 19, series of 2021 o ang Revised Department of Education People’s Freedom of Information Manual and Implementing Details na nakadesenyo para magtatag ng standard procedures at magbigay ng panuntunan sa central, regional, school division offices, at mga paaralan na tugunan kaagad ang mga kahilingan ng bawat Pilipino na malaman ang mga impormasyon na may kinalaman sa edukasyon.