Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) ang ulat na pagbawi ng ahensya sa mga gadget na inisyu sa mga guro noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Pero paglilinaw ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, ang ipinasasauli ng ahensya ay ang mga laptop at gadgets na para talaga sa mga computer laboratory na ginagamit ng mga estudyante.
Ipinahiram lang aniya ito sa mga guro noong lockdown para magamit sa blended learning.
“Totoo po na pinapabalik yung mga computers under the DepEd Computerization Program. But, itong mga computers na ‘yan ay hindi para sa mga guro. ‘Yan po ay mga computers na para sa ating mga computer laboratories. So ‘pag nagkaklase po ang ating mga learners at nandun sila sa computer laboratory, ‘yan po ang mga laptop o gadgets na ginagamit nila,” paliwanag ni Poa.
“Noong panahon ng pandemya, the former undersecretary for administration, allowed for these gadgets to be taken out of school as an exception. So, pinahiram po sa mga guro,” dagdag niya.
Malinaw rin aniya na nakasaad sa memorandum order na inilabas ng DepEd noong April 2020 na obligado ang mga guro na ibalik ang mga gadget kapag balik-normal na ang operasyon ng mga klase sa bansa.