Magpapatawag ng dayalogo ang Department of Education (DepEd) sa mga kinatawan ng media para talakayin ang tamang pagtugon sa mga isyu na kinasasangkutan ng mga estudyante, guro at paaralan.
Kasunod na rin ito ng kaso ng gurong inireklamo sa programa ng brodkaster na si Raffy Tulfo na hiniling matanggalan ng lisensya matapos palabasin sa klase ang isang estudyante.
Ayon sa DepEd – idinadaan na nila sa tamang proseso ang isyu.
Lumilitaw anila na nagkaroon ng on-the-spot compromise nang hingin ang resignation ng guro kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso ng magulang ng batang kanyang pinarusahan.
Ayon sa DepEd – bukod sa pagtugon sa mga kaso ng child abuse sa ilalim ng DepEd child protection policy, mahalaga ring mabigyan ng due process ang mga guro.
Kasabay nito, nanawagan ang ahensya sa mga paaralan na paigtingin ang kanilang Parents-Teachers Associations (PTA) para makabuo ng magandang relasyon at unawaan sa pagitan ng mga guro at magulang.