Inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na kinikilala ng kanyang kagawaran na may malaking papel ito sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sa talumpati ni Briones sa unang anibersaryo ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger, sinabi nito na importante na may mabuting kalusugan ang isang mag-aaral upang maging isang mabuting mamamayan.
Aniya, hindi nila matuturuan ang isang bata at hindi ito matuto kung walang laman ang kanyang sikmura.
Kailangan aniya na mabigyan ng masusustansyang pagkain ang isang bata upang madaling matuto at maintindihan ang mga impormasyong ibinibigay sa kanila ng mga guro.
Kaya nagpapatuloy ang kanilang feeding program ngayong school year para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 na kasama sa category ng wasted at severely wasted.