DepEd, may natukoy ng mahigit 1,000 paaralan sakaling payagan ang pilot testing ng face-to-face classes

Nasa 1,065 na eskwelahan na ang napili ng Department of Education (DepEd) para sa pilot school program na ipatutupad sakaling payagan na ang pagsasagawa ng face-to-face classes.

Sinabi ito ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa pagdinig ng Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa epekto ng pandemya sa edukasyon sa bansa.

Ayon kay Malaluan, ang nasabing bilang ay 2.5 percent lang ng mahigit 42,000 na mga paaralan sa buong bansa at limang paaralan lang sa bawat school division.


Diin pa ni Malaluan, ang mga napiling paaralan ay nasa mga lugar na wala o mababa lang ang kaso ng COVID 19 at kanyang binanggit na may 433 munisipalidad ngayon sa bansa ang walang COVID cases.

Mungkahi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa DepEd, bawasan o ibaba sa 100 hanggang sa 300 ang mahigit 1,000 paaralan na napili sa pilot testing ng face-to- face classes.

Paliwanag ni Pangilinan, ito ay para mas makita ang mga dapat na hakbang para ligtas na maisagawa ang klase sa paaralan sa gitna ng pandemya at para mas malaki ang tsansa na makumbinsi ang Pangulo at Inter-Agency Task Force (IATF) na pumayag sa limited face-to-face classes.

Pinapasumite naman ni Senator Gatchalian sa DepEd ang kumpletong detalye, basehan at paraan sa ginawa nilang pagpili sa nabanggit na mga paaralan.

Sa pagdinig ay iginiit naman ni Senator Imee Marcos na hindi malaki ang panganib ng COVID-19 sa mga paaralan lalo na’t base sa datos, wala pang 10 porsyento na nahawaan ng virus ang nasa 20 years old pababa, habang 2 porsyento lang ang nasawi na menor de edad.

Ipinunto naman ni Senator Nancy Binay na mas mabuting papasukin sa paaralan ang mga bata sa halip na payagang pumunta sa mall, maglaro sa arcade at mamasyal sa Boracay at iba pang lugar.

Facebook Comments