Makakakuha ng pinakamalaking alokasyon sa 2022 proposed national budget ang Department of Education (DepEd) na P773.6-B.
Sinundan ng kagawaran ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may P686.1-B, Department of the Interior and Local Government (DILG) P250.4-B, Department of Health (DOH) P242-B, Department of National Defense (DND) P222-B, Department of Social Welfare and Development (DSWD) P191.4-B, Department of Transportation (DOTR) P151.3-B, Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration ( NIA) P103-B at Department of Labor and Local Employment (DOLE) P44.9-B.
Samantala, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang social services sector ang pinaglaanan ng may pinakamalaking pondo katumbas ng P1.922-T o 38.3% ng kabuuang budget.
Gagamitin ito sa health-related services na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law (UHCL), pagbili ng COVID-19 vaccines, personal protective equipment at iba pang gamit.
Ikalawang sektor na may pinakamalaking bahagi ng pondo ay ang economic services sector katumbas ng P1.474 trilyong piso o 29.3% ng pambansang budget na gagamitin sa flagship projects sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program.
Ikatlong sektor na mabibigyan ng malaking bahagi ng pondo ay ang general public services sector katumbas ng 862.7 bilyong piso o 17.2%.
May bahagi rin ng pondo ang pambayad sa mga utang ng bansa katumbas ng 541.3 bilyong piso o 10.8%, habang ang defense sector ay mabibigyan naman ng 224.4 bilyong piso o 4.5% ng pambansang pondo.
Ang kabuuang P5.024-T panukalang pambansang budget para susunod na taon ay target na maisumite ng Ehekutibo sa Kamara sa Lunes, Agosto 23, 2021.