DepEd: Mga gurong lalabag sa ‘walls policy’, posibleng maharap sa parusa

Nagbabala ngayon ang Department of Education (DepEd) sa mga gurong hindi susunod sa ‘walls policy’ o ang pagtanggal sa visual aids, larawan ng national heroes maging ang mga nagdaang presidente sa dingding ng mga silid-aralan.

Ayon kay DepEd Spokesman Michael Wesley Poa, posible umanong maharap sa parusa ang mga gurong lalabag sa naturang panuntunan na direktiba ni Vice-President at Education Secretary Sara Duterte para sa public schools.

Ani Poa, sumunod naman daw ang mga guro sa bagong panuntunan ng Education department pero hinihintay pa rin naman nila kung may mga lalabas na report na may lumabag sa naturang utos ng pangalawang pangulo.


Sakali naman daw na mayroong hindi sumunod ay pag-aaralan nila ito sa pamamagitan ng case to case basis at kakausapin nila ang school head kung ano man ang nangyari pero hindi naman daw sila agad magpapataw ng parusa.

Una nang nilinaw ng tagapagsalita ng DepEd na puwede pa rin namang gumamit ng visual aids pero ito ay para lamang sa oras ng klase.

Facebook Comments