Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na minamadali na nila ang produksyon ng printed self-learning materials na gagamitin para sa pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na ang printed self-learning materials ay gagamitin para sa mga mag-aaral na walang internet connection, smartphone, laptop, telebisyon at radyo.
Pero kung ang isang bata ay mayroong computer, pwede rin gamitin ito kahit walang internet connection, dahil pwede aniya maisalin sa USB flash drive ang printed self-learning materials.
Mas mainam ito para makatipid sa gastusin ang DepEd sa pagpapa-print ng mga educational material at sa papel na gagamitin.
Muli niyang iginiit na ang distance learning ay hindi lamang para sa online education, kundi ito ay nakapaloob ang iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo habang ipinagbabawal ang physical classes o traditional classes sa buong bansa ng dahil na rin sa banta ng COVID-19.