DepEd module na nanghihikayat sa mga estudyante na huwag sumali sa rally, sinita ng CHR

752

Pinuna ng Commission on Human Rights (CHR) ang sinasabing learning module mula sa Department of Education (DepEd) na tila nanghihimok sa mga estudyante na huwag sumali sa mga protesta.

Tinutukoy ng CHR ang Grade 12 Media and Information Literacy Module na ini-upload sa Facebook ng isang netizen noong Miyerkules.

Sa nasabing module, tinatanong ang mga mag-aaral na kung bibigyan ng pagkakataon ay sasali ba sila sa rally at ang paliwanag sa kanilang sagot.

Nakasulat din sa module na ang tamang sagot sa tanong ay hindi, dahil ginagawa naman ng gobyerno ang lahat para sa kapakanan ng mga Pilipino at kanilang constituents.

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline De Guia, ang paghubog sa critical thinking ng mga bata lalo na sa national issues ay kasinghalaga ng pagtuturo sa kanila na irespeto ang batas.

Aniya, hindi lang limitado sa ‘obedience’ ang pagmamahal sa bansa pero maaari rin itong maipakita sa pamamagitan ng sama-samang pagtalakay sa mga isyu sa komunidad at sa bansa sa ilalim ng gabay ng mga karapatan na protektado ng konstitusyon.

Sa halip aniya na i-discourage ang mga estudyante, mas mainam kung magde-demand ng mas mahusay na serbisyo at pananagutan mula sa gobyerno at mga opisyal nito bilang bahagi ng kanilang tungkulin na irespeto at protektahan ang karapatan ng lahat.




Kasabay nito, hinimok ni De Guia ang publiko na patuloy na iulat sa DepEd ang mga mali sa learning materials.

Facebook Comments