Ipinaalala ng Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan na labing-limang araw lamang pwedeng gamitin ang mga pampublikong paaralan bilang evacuation center ng mga naapektuhan ng Bagyong Karding.
Ayon sa DepEd, batay sa Department Order (DO) No. 37 Series of 2022 na pirmado ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio ay hindi pwedeng pangmatagalang tirahan ng mga apektadong pamilya o indibidwal ng anumang sakuna ang mga paaralan.
Sa ngayon ay kabuuang 327 na mga paaralan din ang ginamit bilang mga evacuation center, kung saan 259 sa mga ito ay kasalukuyang ginagamit pa.
Samantala, una nang inihayag ng DepEd na aabot sa ₱112 milyong pondo ang kakailanganin ng ahensya para sa pagpapaayos ng mga nasirang paaralan dahil sa Bagyong Karding.