Nasa mahigit 21.55 milyong estudyante na sa buong bansa ang nakapagpa-enroll para sa susunod na pasukan.
Ito ay batay sa datos kahapon ng Department of Education (DepEd).
Ang nasabing bilang ay katumbas lamang ng 77.5% mula sa kabuuang bilang ng enrollees noong 2019 kung saan umabot ito ng mahigit 27 milyong enrollees.
Sa tala ng DepEd kahapon, nasa mahigit 20.32 milyon na ang mga nagpa-enroll para sa public school, habang ang mahigit 1.19 milyon naman ay mga mag-aaral na nagpa-enroll sa mga pribadong paaralan.
Payo naman ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga magulang at guardian na huwag ng mag-alinlangan na ipa-enroll ang kanilang mga anak para sa School Year 2020-2021 dahil ligtas naman mag-aral kahit nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Una nang inihayag ng DepEd na maaari pa ring tumanggap ng late enrollees ang mga pampublikong paaralan sa bansa hanggang katapusan ng Setyembre ngayong taon.