DepEd, nilinaw na hindi pa epektibo ang bagong guidelines sa pagsusupinde ng klase tuwing may bagyo

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi pa epektibo ang kanilang Department Order (DO) No. 37 kaugnay ng panuntunan sa pagsususpinde ng klase sa tuwing may bagyo.

Batay sa DepEd, hindi pa epektibo ang naturang kautusan dahil hindi pa ito naisusumite sa Office of the National Administrative Registrar (ONAR) ng University of the Philippines Law Center at nangangailangan pa itong mapirmahan.

Inilabas lang anila ang nasabing DO bilang advance copy sa website ng kagawaran na mayroon lamang electronic signature.


Dahil sa kalituhan sa field operations, aalisin na muna ng DepEd ang naturang DO sa kanilang website at muling ilalathala na lang kapag nakumpleto na ang lahat ng requirements sa ONAR.

Sa ilalim ng DO, otomatikong kanselado ang klase sa mga pampublikong paaralan kung ang Local Government Unit (LGU) ay nasa signal no. 1 pataas.

Wala na ring pasok sa mga klase kung may itinaas ang PAGASA na yellow, orange, o red rainfall warning, o flood warning sa isang lugar.

Facebook Comments