Nilinaw ngayon ng Department of Education (DepEd) na blended at distance learning lamang ang ipapatupad na sistema ng pagtuturo sa pagbubukas ng klase ngayong School Year 2020-2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasunod na rin ito ng panukala ng DepEd na magkaroon ng limited face-to-face learning sa mga low risk areas sa bansa na umani naman ng samu’t saring reaksyon at puna.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni DepEd Undersecretary Revsee Escobedo na ang panukalang limited face-to-face learning ay opsyonal lamang para sa mga paaralan na may gustong magpatupad nito.
Ayon kay Escobedo, hindi lang DepEd ang magpapasya kung sino-sino o anong mga lugar ang papayagan ng face-to-face classes na posibleng simulan sa Enero 2021.
Bukod dito, dapat din aniyang makasunod ang mga paaralan sa umiiral Health Protocols.
Una nang iginiit ng DepEd na hindi sila ang nagsusulong ng face-to-face classes kundi panukala aniya ito ng mga Local Government Unit (LGU), private schools, mga stakesholders at mga mambabatas para sa mga low risk areas.