DepEd, nilinaw sa Senado na hindi pinagbabawalan ang mga guro na maglabas ng saloobin sa social media

Nilinaw sa deliberasyon ng budget sa Senado na hindi tuluyang pinagbabawalan ang mga guro na maglabas ng kanilang saloobin gamit ang social media.

Sa pagtalakay ng pondo sa susunod na taon ng Department of Education (DepEd) ay naitanong ni Senator Risa Hontiveros ang isang probisyon sa Department Order (DO) No. 49 na aniya’y hinihigpitan ang “freedom of expression” at iba pang karapatan ng mga guro.

May isang linya sa DO. 49 na humihikayat sa mga guro na iwasan ang pagpo-post sa social media ng mga hinaing o reklamo at sa halip ay direkta itong ilapit sa ahensya.


Paliwanag ni Senator Pia Cayetano na siyang nag-sponsor ng panukala sa plenaryo, na batay sa paliwanag ng DepEd ay hindi naman hinahadlangan ng ahensya ang mga guro na magsalita at maglahad ng mga isyu sa social media.

Magkagayunman, hinihikayat nilang maging professional ang mga guro, kung saan mas dapat na idaan sa tamang forum ang mga hinaing at mga isyu.

Inaatasan din ang mga guro na umiwas sa pakikipag-ugnayan, interaction at komunikasyon sa mga mag-aaral gamit ang social media kasama na ang pag-follow sa socmed maliban na lamang kung magkamag-anak ang mga ito.

Matatandaang, nakatanggap ng negatibong reaksyon mula sa guro ang DO. 49 bunsod ng nasabing limitasyon na batay naman sa DepEd ito ay layon lamang mas i-professionalize ang paghahatid ng basic education at services sa bansa.

Facebook Comments