Nagsasagawa na ng deliberasyon ang Department of Education (DepEd) hinggil sa pagbubukas ng klase para sa School Year 2021-2022.
Ito ang sagot ng DepEd sa mga katanungang kung pinag-aaralan nilang buksan ang bagong school year sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Education Undersecretary and Chief of Staff Nepomuceno Malaluan, patuloy na tinatalakay ng ilang opisyal ng kagawaran ang ilang isyung may kinalaman sa kasalukuyang school year maging ang susunod na pasukan.
“The opening of classes in the next school year is still under deliberation,” ani Malaluan.
Dagdag pa ni Malaluan, makaaapekto rin sa schedule ng susunod na school year ang ipinatupad na adjustments ng DepEd sa kasalukuyang school year.
Matatandaang naurong ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 mula Hunyo patungong Oktubre dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Kasalukuyang ipinatutupad ang iba’t ibang learning modalities tulad ng modular, online, TV at radio.