Pinareresolba ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang magkakaibang datos ng bullying sa bansa.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa mahigpit na implementasyon ng Anti-Bullying Act, tinukoy ni Gatchalian ang magkalayong bilang ng naitatalang bullying cases sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, batay aniya sa mga ulat na lumabas sa media, aabot sa 260,000 ang kaso ng physical bullying sa mga paaralan para sa taong 2021-2022 pero sa datos ng Department of Education (DepEd) aabot lang sa 11,637 ang kaso ng bullying sa mga paaralan batay sa kanilang latest data para sa taong 2019-2020 o panahon ng pre-pandemic.
Aminado naman si Education Asec. Dexter Galban na maraming kaso ng bullying na hindi nai-re-report sa ahensya.
Tiniyak naman ng ahensya na makikipag-ugnayan sa kanilang research team upang ma-reconcile ang mga datos ng bullying lalo na sa mga rehiyon sa bansa.
Nababahala naman si Gatchalian na batay sa report ng Programme for International Student Assessment (PISA) sa 70 mga bansa, nangunguna ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng bullying sa mga kabataan.