Naniniwala ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) na mahalaga na maging malusog ang pangangatawan at kaisipan ng mga mag-aaral na pumapasok sa kanilang paaralan.
Ayon sa DepEd, inilunsad nila ang Health Learning Institutions upang palakasin ang school health programs.
Layon nito na palakasin ang school health at nutrition programs, ang Healthy Learning Institutions (HLI) sa basic education sa pamamagitan ng seremonya na ginanap sa Quirino High School, Quezon City.
May temang “Pinalakas na Oplan Kalusugan sa DepEd, Pinatatag na Healthy Learning Institutions,” tinipon ng pagdiriwang ang mga lider ng Executive Committee ng DepEd at Department of Health (DOH), mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng host city, at piling mga school health at nutrition personnel sa buong bansa upang itaguyod ang kahalagahan ng whole-of-government at whole of society approach para palakasin ang school health programs.
Matatandaang itinatag noong 2018 ang Oplan Kalusugan sa DepEd ay ang pagsasama ng mga inisyatiba sa health at nutrition ng kagawaran para sa epektibo at mahusay na implementasyon sa mga paaralan, sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders.
Sinabi ni DepEd Chief of Staff Epimaco V. Densing III na sa simula ng taon, itinaguyod ng DepEd ang pakikipagtulungan sa DOH at iba pang pambansang ahensya ng gobyerno upang palakasin ang school health sa ilalim ng basic education sector bilang HLI, sa pamamagitan ng Joint Administrative Order (JAO) 2022-0001 na tinawag na Guidelines on Healthy Settings Framework in Learning Institutions.