Kinalampag ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang Department of Education (DepEd) na ibigay na sa mga guro ang matagal na hinihintay na communication expense reimbursement at benefits.
Pinamamadali ni Castro ang DepEd sa pagre-release ng ₱300 na buwanang communication expense reimbursement gayundin ang 2019 na Performance Based Bonus at 2020 Service Recognition Incentive.
Giit ng kongresista, napakatagal ng na-delay ang pagre-release ng mga benepisyong ito at makatwiran lamang na ibigay na ito ngayon sa mga guro dahil hindi na rin maawat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Naalarma si Castro sa natanggap na reklamo ng kaniyang tanggapan kung saan 15 rehiyon ang hindi kumpleto o hindi naibigay ang communication expense refund sa mga public school teachers mula March hanggang December 2020 kahit pa may DepEd Order na para sa release nito noong November 2020.
Mayorya rin umano ng mga guro ay hindi nagbenepisyo sa refund order dahil sa kawalan ng sapat na pondo ng paaralan, mahigpit at hindi makatwirang requirements na hinihingi, hindi sapat na dissemination order at iba-ibang implementasyon sa pagkuha ng benepisyo.