Inirekomenda ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na gamitin ng Department of Education (DepEd) ang natitirang dalawang buwan para husayan ang sistema sa ilalim ng blended learning kasunod ng postponement ng klase sa October 5, 2020.
Ayon kay Ong, ikinatuwa niya na pinakinggan ang kanilang panawagan na ipagpaliban muna ang pasukan.
Aniya, magagamit ng ahensya, mga stakeholders, mga guro, estudyante at magulang ang panahon na ito para maihanda sila sa transition mula sa tradisyunal na “face-to-face” learning papuntang blended at flexible learning.
Pinatitiyak naman ng mambabatas sa DepEd na bigyan ng mga kinakailangan na gadgets at instructional tools ang mga guro para makasabay sa blended learning system gayundin ng Personal Protective Equipment (PPE) at regular na COVID-19 test para naman sa mga gurong maitatalaga sa pamamahagi ng learning modules.
Hiniling din nito sa DepEd na bigyang direktiba ang private schools na itigil ang pag-o-obliga na magbayad ang mga estudyante ng buong matrikula at payagan ang semestral o quarterly payments sa tuition fee.
Paliwanag ni Ong, dapat na bigyang konsiderasyon ng mga pribadong paaralan ang sitwasyon ng mga magulang na “financially challenged” ngayon o kinakapos ng salapi bunsod ng epekto sa kabuhayan ng COVID-19.
Pinaglalatag din ng kongresista ng malinaw at komprehensibong guidelines ang ahensya para sa public at private schools sa oras na magbukas na ang klase.