Plano ng Department of Education (DepEd) na magdagdag ng 10,000 na mga guro sa susunod na taon.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, ito ay para matiyak na magkakaroon ng sapat na bilang ng mga guro sa mga paaralan.
Gumagawa na aniya sila ng mga aksyon para mapunan ang pangangailangan ng mga paaralan sa teaching personnel kabilang na rito ang “continuous hiring”.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Poa ang pagpapalabas nila ng Memorandum No. 76 tungkol sa pagpupunan sa mga kulang na posisyon ng mga guro.
Sinabi ni Atty. Poa na paghahanda o pagtitiyak lamang ito na magkakaroon ng sapat na bilang ng mga guro, pero nilinaw rin niya na wala silang particular na target.
Samantala, kinumpirma ni Atty. Poa na wala pang naitatalang tinamaan ng COVID-19 sa mga estudyante, guro at iba pang academic staff members simula nang mag-umpisa ang face-to-face classes noong Agosto 22.
Pero sinabi ng tagapagsalita na patuloy ang monitoring sa mga paaralan para sa posibleng COVID-19 transmission.
Dagdag pa ni Atty. Poa na nakikipagtulungan ang DepEd sa Department of Health (DOH) para sa COVID-19 vaccination status ng mag-aaral.
Nabatid na naglagay ang DOH ng vaccination sites sa ilang pampublikong paaralan upang mapataas ang antas ng pagbabakuna sa mga estudyante sa gitna ng pagbabalik ng in-person classes.