Cauayan City, Isabela- Hinikayat ng Department of Education (DepED) Region 2 ang mga magulang at mag-aaral na ipagpatuloy pa rin ang nasimulang pamamaraan ng pag-aaral ngayong banta pa rin sa lahat ng pandemya dahil sa COVID-19.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Amir Aquino, Public Affairs Unit Head, wala naman umanong mag-aaral ang nagbigay ng intensyon na hindi na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral kahit na may pandemya.
Aniya, prayoridad pa rin ng ahensya ang kapakanan ng mga mag-aaral, guro at mga personnel ng bawat paaralan upang masigurong mailalayo sa anumang uri ng sakit ang mga ito.
Handa rin umano ang DepED na tumulong kung anuman ang sitwasyon sa bahay ng isang mag-aaral para matiyak na ipagpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral.
Samantala, masusi namang pinag-aaralan ng ahensya ang usapin sa posibleng ‘extension’ ng school calendar o di kaya ay mapaigsi pa ito lalo pa’t batay sa modification ng central office ay matatapos na ito sa darating na July 2021.