DepED Region 2, muling pinaalalahanan ang mga magulang at estudyante

Cauayan City, Isabela- Muling pinaalalahanan ng Department of Education (DepED) Region 2 ang lahat ng mga magulang at mag-aaral na hindi kinakailangan na ipilit ang pagkakaroon ng gadget para makapag-aral.

Ito ay matapos ipagpaliban ng DepED ang pagsisimula ng klase na gagawin na sa Oktubre 5.

Ayon kay Regional Director Dr. Estela Cariño, hindi hadlang ang kawalan ng gadget para makapag-aral dahil may inilaan namang module ang ahensya para sa mga walang kagamitan sa ‘online class’.


Bukod dito, may magagamit din na radio-based instructions para sa mga estudyante na kanilang magagamit sa pagbubukas ng klase.

Giit pa ng Cariño, sakaling magkaroon ng hirap sa signal ang ilang mga istasyon ng mga radyo ay kanila itong gagawan ng paraan para mailapit lalo na sa mga liblib na lugar.

Inihalimbawa pa ng opisyal ang ilang sitwasyon ng mga guro sa pribadong paaralan dahil kung magkakaroon din ng postponement ay tiyak na apektado ang mga guro o di kaya ay tatanggap ng sahod na kalahati o posibleng wala rin kung ikukumpara sa pampublikong paaralan.

Tiniyak naman ng DepED ang patuloy na koordinasyon ng mga paaralan para sa mas mahabang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa Oktubre.

Facebook Comments