Cauayan City, Isabela- Pinapaalalahanan ng Department of Education (DepED) Region 2 ang publiko na iwasan ang magbigay ng konklusyon hinggil sa umano’y pagpapakamatay ng ilang mag-aaral na sinasabing dahil sa learning module.
Una rito, sinabi ni DepED Public Affairs Unit Head Amir Aquino na sensitibo ang ganitong usapin na kinakailangang bigyan ng respeto ang mga magulang gayundin ang mga yumaong mag-aaral dahil kakailanganin pang masusing pag-aralan ang totoong dahilan ng umano’y suicide ng mga estudyante.
Ayon pa kay Aquino, ang mental issue ay sadyang napakasensitibo sa bawat isa kung kaya’t kailangang siyasatin mabuti ang posibleng dahilan ng insidente.
Inaalam rin ng DepED kung ano ba talaga ang totoong nangyari sa umano’y mga naitalang suicide incident ng mga mag-aaral at hindi dapat laging nakapokus sa usapin ng module ang dahilan ng bawat insidente.
Samantala, ikinuwento rin ni Aquino na may ilang learners umano ang kanilang nakausap na ang iba ay ‘stress’ dahil buong maghapon ay pinagtatrabaho umano sila sa kanilang bahay at sa gabi pa lamang mauumpisahan na tutukan ang pag-aaral sa module.
Nabatid na dalawa (2) na ang estudyanteng naiulat na umano’y nagpakamatay dahil sa module sa rehiyon dos.
Sa huli, sinabi ni Aquino na malaki ang gampanin ng mga magulang para sa kanilang mga anak lalo na sa simpleng paggabay sa kanilang mga aralin.