Ikinadismaya ni Education Secretary Leonor Briones ang ginawang mala-drama gamit ang umano’y mga litrato ng mga guro na nasa bubong ng Sto. Niño National High School para makakuha ng mas magandang koneksyon sa internet sa pagmo-monitor ng kanilang mga estudyante sa pagbubukas ng klase.
Ayon kay Secretary Briones, hindi ito nangyari sa buwan ng Oktubre pero inireport na nangyari noong October 5 kung saan isa lamang umano itong reenactment ng mga serye ng litrato na naging viral sa social media at ini-report naman sa mainstream media.
Ipinaliwanag naman ng Kalihim kung bakit inabot ng isang linggo bago siya naglabas ng pahayag ay dahil nagsagawa pa ng imbestigasyon at kumalap ng mga impormasyon ang kanyang mga opisyal at bumisita sa eskwelahan at kinausap ang mga tao para malaman ang buong katotohanan.
Pinagpapaliwanag na rin ni Briones ang naturang mga guro kung bakit kinakailangang nasa bubong pa ang mga ito para makakuha ng magandang signal ng internet.