DepEd Sec. Sara Duterte, iginiit na hadlang ang tigil-pasada sa learning recovery efforts ng ahensya

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) sa desisyon nitong hindi suspendihin ang klase sa kabila ng tigil-pasada ng mga transport group.

Sa isang statement, muling iginiit ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na ang transport strike ay isang masakit na panghihimasok o hadlang sa pagsisikap ng kagawaran na matugunan ang mga problema sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Tinututulan nila ang tigil-pasada dahil sa abalang maidudulot nito sa learning recovery efforts ng DepEd na sa huli ay mga mag-aaral din ang magdurusa.


Kasabay nito, pinaratangan ni VP Sara ang PISTON na isang organisasyong ang mga lider at ilang miyembro ay nilason ng ideolohiya ng CPP-NPA-NDFP.

Muli rin niyang binanatan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na aniya’y grupong malayong nagseserbisyo para sa interes ng mga mag-aaral at ng education sector.

Sabi ng kalihim, ang kanyang pahayag ay hindi red-tagging kundi katotohanan.

Kaya magkaroon man aniya ng tigil-pasada ay walang tigil na mangyayari sa pag-aaral ng mga kabataan.

Facebook Comments